Ano ang Color Sudoku?
Ang Color Sudoku ay isang board game na gawa sa makukulay na kahoy. Ito ay hango sa klasik puzzle na Sudoku na nagmula sa Japan. Ang layunin ng klasik Sudoku ay malagyan ng mga numero mula 1 hanggang 9 ang mga hanay, hilera at mga 3×3 subgrid. Ang laro ay nagsisimula na may kaunting laman na mga numero ang mga puzzle sheet at susubukan ng manlalaro na kumpletuhin ang mga bakanteng pwesto. Ang bawat puzzle ay may isang solusyon.
Sa Color Sudoku, ang mga numerong 1 hanggang 9 ay napalitan ng siyam na magkakaibang kulay. Pareho rin ang layunin at konsepto nito sa klasik Sudoku. Ang mga naukit na makukulay na mga piyesa ay ilalagay sa mga butas sa loob ng subgrids ng kahoy na board. Ang larong ito ay isang obra maestrang gawa sa kahoy at tunay na likhang sining! Maaari itong ipang-display kung hindi mo ito lalaruin. Napakaganda nitong pangregalo para sa mga nangongolekta ng mga laruang gawa sa kahoy o kaya ay para sa mga mahihilig sa board games.
Ano ang Benepisyo ng Color Sudoku?
Ang paglalaro sa Color Sudoku ay halos kapareho rin ng klasik Sudoku. Maaaring malito at mahirapan ang mga baguhan pa lamang ngunit maganda ang magiging dulot kung ipagpapatuloy ang paglalaro nito. Maraming mga siyentipikong pananaliksik ang nagsasabing maraming benepisyo ang paglalaro ng Sudoku. Una, isa itong “ehersisyo” para sa utak. Ang ating utak ay nangangailangan ng regular na pagsasanay tulad ng ating mga kalamnan sa katawan. Maraming neuroscientists ang nagrerekomenda ng larong ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng Alzheimer’s Disease sa mga matatanda.
Pinapagbuti ng larong ito ang iyong memorya, konsentrasyon at pag-aanalisa. Mahalaga ang pag-aalaga sa ating utak at ang paglalaro ng Color Sudoku ay isang nakakatuwang paraan upang magawa ito. Maaaring nakakabaliw ito sa mga nag-uumpisa pa lamang, pero mare-relax ka rin kapag nasanay ka na sa paglalaro nito.
Paano Laruin ang Color Sudoku?
Ang layunin ng manlalaro sa pagsagot ng Color Sudoku puzzle ay malagyan ng 81 na makukulay na piyesa ang 9×9 grid na hinati sa siyam na 3×3 subgrids. Ang 81 piyesa ay binubuo ng siyam na grupo ng iba’t ibang kulay (pula, kulay-kape, berde, puti, lila, kulay-rosas, bughaw, dilaw at kulay abo). Gaya ng klasik Sudoku, ang siyam na kulay na nabanggit ay dapat mailagay lamang ng isang beses sa mga hanay, hilera at subgrid ng board.
Ang isang pinagkaiba ng Klasik at Color Sudoku ay ang Sensei difficulty kung saan umaabot sa 12×12 ang grid sa klasik Sudoku. Bukod pa doon, hindi na kailangang bigyang-pansin ang dalawang pinakamalaking dayagonal na linya sa Color Sudoku. Mayroon kasing mga baryante ang klasik Sudoku kung saan maaaring idagdag na pagsubok ang dalawang malaking dayagonal sa puzzle sheet. Gayunpaman, iba rin ang level ng pagsubok na ibinibigay ng Color Sudoku dahil mas mahirap tandaan ang mga kulay kaysa sa mga numero.
Ang Sudoku ay may iba’t ibang set-up bilang panimula ng laro ngunit isang solusyon lang ang kalalabasan ng sagot. Kailangang analisahin ang ibinigay na set-up upang masagutan ang puzzle nang tama. Ang isang pagkakamali sa paglagay ng numero o kulay sa isang pwesto ay maaaring maging hadlang sa pagbuo ng puzzle. Matutuklasan mo lamang ito kapag patapos ka na. Mahalaga ang panimulang set-up dahil dito ka makakakuha ng mga clue upang masagutan lahat ng bakanteng pwesto sa board. Mas maraming clue ang iyong makukuha habang nagdadagdag ka ng mga piyesa hanggang sa masagutan mo na lahat ng mga puwang. Upang makita kung tama nga ang iyong sagot, suriin mo lang ang mga hanay, hilera at subgrid kung walang naulit na kulay.
Color Sudoku: Mga Tips at Tricks
Ngayong may mga pangunahing kaalaman ka na sa Color Sudoku, siguradong malulutas mo na ang mga paunang level ng mga puzzle. Ang bilang ng mga piyesa sa panimulang set-up ay mas kakaunti sa unang tingin, lalo na kapag nasubukan mo na ang mga mas mahihirap na mga level (Intermediate, Hard at Sensei). Siguradong kakailanganin mo ang mga sumusunod na tips at tricks kapag umabot ka na sa mga level na ito:
- Hinay-hinay lang!
Ang mga puzzle na tulad ng Color Sudoku ay sinasagot ayon sa iyong nais na bilis. Hindi ito isang blitz game na ang player ay inoorasan. Buong konsentrasyon at tamang pag-aanalisa ang mga kailangan mong mahasa upang malutas ang mga mahihirap na level ng larong ito. Mas gagaling ka sa paglalaro kung pag-aaralan mo munang maigi ang mga posibilidad gamit ang iyong mga clue.
- Hanapin kung ano ang kulang
Ang mga kailangang ilagay na piyesa ay mas mabilis makita habang mas maraming kulay ang nasa board. Kaya palagi mong hanapin kung ano ang kulang sa isang hanay, hilera at subgrid. Halimbawa, kung pitong kulay na ang nasa isang hanay, kailangan mo na lang mag-focus sa dalawang kulay na kulang. Samantala, ilalagay mo na lang ang panghuling nawawalang kulay kung walong kulay na ang nasa alinmang hanay.
- Mag-focus ka sa mga piyesa na nasa board
Kailangang mag-focus ka sa mga ibinigay na piyesa para sa mga mas mahihirap na puzzles. Halimbawa, kung may pulang piyesa sa pangalawang hilera at panglimang hanay (ito ay nasa gitnang itaas na subgrid), hindi mo na dapat lagyan ng pulang piyesa ang mga katapat nito. Kailangang alisin lahat ng posibleng maibawas na pagpipiliang kulay hanggang maisip mo ang tamang kulay para sa espasyo na iyon.
- Suriin ang mga pagkakaugnay
Tuturuan ka ng larong ito na suriin ang kaugnayan ng mga kulay sa mga hilera, hanay at subgrid. May mga pagkakataon na dalawang kulay na lamang ang kulang sa mga hilera, hanay o subgrid. May dalawang posibleng mangyari: (a) ang mga kulang na piyesa ay galing sa magkaibang subgrid; o (b) ang mga kulang na piyesa ay galing sa iisang subgrid. Sa dalawang posibilidad na ito, mas madaling sagutan kung ang mga kulang na piyesa ay galing sa magkaibang subgrid. Ito ay dahil magagamit mo ang subgrid kung saan sila nakalagay upang mas mapadali ang paglutas mo ng mga bakante pang espasyo.
Halimbawa, ang pangalawang hilera ay kulang ng dalawang kulay (pula at berde) sa tapat ng pangatlo (kaliwang-taas na subgrid) at ikawalong hanay (kanang-itaas na subgrid). Mapapansin na magkaiba ang subgrid sa halimbawang ito. Kapag ang kaliwang-taas na subgrid ay meron nang pulang piyesa sa tapat ng una o ikatlong hilera, ang kulang na pulang piyesa sa pangalawang hilera ay dapat ilagay sa tapat ng ikawalong hanay (kanang-itaas na subgrid), habang ang berdeng piyesa ay sa tapat ng pangatlong hanay (kaliwang-taas na subgrid). Ang analysis na ito ay pwede ring gamitin na pabaliktad.
Samantala, kung ang kulang na piyesa ay nakalagay sa tapat ng ikalawa at ikatlong hanay (parehas na nasa kaliwang-taas na bahagi ng subgrid), kailangang suriin ang mga katapat na kulay sa ilalim ng ikalawa at ikatlong hanay. Halimbawa, kung may pula na sa ikatlong hanay, ibig sabihin ang pulang piyesa na kulang sa ikalawang hilera ay dapat na ilagay sa ikalawang hanay.
Konklusyon
Ang Color Sudoku ay isang magandang libangan tuwing may libreng oras. Ito ay malaking tulong para sa pagsasanay ng utak na nagdudulot ng maraming benepisyo sa ating kalusugan. Bukod pa riyan, ang larong ito ay magandang pangregalo sapagkat isa itong obra maestra na gawa sa kahoy. Maaaring mahirap itong laruin sa umpisa ngunit masasanay ka rin habang nilalaro mo ito ng paulit-ulit at kapag nasubukan mo ang mga mas mahihirap na level nito. Hinay-hinay lang sa paglutas sa mga puzzle dahil tiyak namang gagaling ka rin!
Gusto mo ba ng mas exciting pang libangan? I-download ang Big Win Club app para sa mas marami pang laro online kasama ang mga totoong tao at may patas na kompetisyon na magbibigay sa iyo ng magandang pakiramdam.